Wednesday, May 11, 2005

Simula At Huli

Megamall.

Sabado yun ng hapon, at iyon na ang huling araw ng job fair sa megatrade hall. Nagmamadali akong nagparegister kasama si Paldeng para makapasok sa loob at tingnan kung meron kayang trabaho na tatanggap sa akin.

Sa limang resume na pinasa ko, apat dun ay sa Call Center, ang isa ay sa Accenture at ang huli ay sa isang inakala kong research company pero programming pala.

Ilan sa mga call centers na inapplyan ko ang nagco-conduct rin ng initial interview sa fair na yun. Isa na nga dun ang Convergys, ang pangalawang call center na pinagpasahan ko ng resume noong isang taon,

at siyang katangi-tanging nagbagsak sakin sa exam dahil sa wrong instructions na ginawa ko.

---

Initial interview pa lang, pakiramdam ko nanliliit na ako. Alam kong mukhang sablay ang mga sagot ko, pero mukhang pinalad akong mag-shine sa dalawang kasama ko dahil na rin sa accented kong pagsagot sa mga tanong, at pag-iwas ma-blanko ang isip habang sinasabi ang tugon ko sa tanong ng nag-iinterview.

Totoong nung araw na yun, mas nag-gragravitate ako sa aking failure sa interview na yun, kaya't handang handa na ako sumalo sa unang pagkabigo kong mag-apply ngayong taon, ngunit sa ikahuli, pumasa ako ng interview.

Si-net nila akong kumuha ng examination nung sumunod na araw.

---

Gaya ng kwento ko doon sa isang entry ko dito sa blog, hindi naging madali sa akin ang pagkuha ng exam na yun.

Dala-dala ko ang trauma at takot dahil baka maulit kong muli ang katangahan ko last year. Natapos ang test one, at himalang nakapasa ako. Nakalipas ang test two, at sa pagitan ng aking paghahanda para tanggapin ang pagkabigo ko at pag-asang nakapasa ako sa pagka-hirap hirap na typing test, naawa ang Diyos, pinagbigyan niya ako.

At sa huling test noong examination na yun, pinilit kong patilusin ang galing ko sa written english para kahit hindi ko man sagutin ang math, may malaking tsansa pa rin akong makapasa...

Actually, nung nalaman ko lang na nakalampas ako ng test two, masaya na ako eh. Sa hirap ba naman ng math questions nila eh talagang tigok na ako sa huling eksamen na yun. Pero mukhang mapalad talaga ako nung araw na kinuha ko yung exam na yun.

Hindi lang ako pumasa, na-endorse pa ako for final interview noong sumunod na araw.

---

Sa final interview, baon ko ang kaba at takot na kelangan kong mapa-impress ang nag-iinterview sa akin.

Hinding hindi ko makakalimutan na minsan, binigo ako ng West sa pinakahuling steps ng application process ko sa kanila. Dahil sa pagkabigo kong yun, buong taon kong tinalikuran ang pag-iisip magtrabaho sa call center. Ang enthusiasm na meron ako noon, ay unti-unting napawi na lang sa akin.

Kaya kahit sa Convergys ngayon, alam kong hati ang loob ko sa kung tatanggapin ko ba itong trabahong ito o hindi?

---

Nagkataon naman na yung nag-interview sa akin ay sadyang namang napaka-sarap kausap. Hindi lang nawala yung kabang dala-dala ng dibdib ko bago pumasok ng interview room, sinipag pa akong mag-open up sa kanya tungkol sa kadramahan ko sa buhay.

Palagay ko, doon ko siya na-engganyo; marahil ang pag-iingat ko ng paggamit ng salita ang siyang nakatulong sa akin para makapag-establish ng isang magandang relasyon sa nag-iinterview sa akin.

At iyon ang naging susi ko, upang ma endorse ang aking application para sa English Assessment Training.

---

Kaninang umaga, pinapunta nila ako ng maaga sa Ortigas upang kumuha ng english assessment exam upang makita kung kami ba ay trainable o hindi.

Sa kasamaang palad, pagsakay ko ng jeep sa Agora, San Juan, tiyempo namang lumitaw ang wallet ko at hayun, na-snatch siya sa akin ng hindi man lang ako nagkaroon ng time mag-react.

Depressed, badtrip at dahil wala na ring pera, nagdecide na lang ako umuwi ng bahay. Sabagay, wala na akong nais i-prove sa Convergys kung tutuusin... pero narealize ko na hindi ito ang gusto kong maging katapusan ng aking laban. Masyadong kahinaan kung dahil lang sa pagka-snatch ng wallet ko eh isusuko ko na ang maaring magandang buhay na nag-iintay sa akin sa pagpasok ko muli ng trabaho.

Swerte na lang at hindi nawala ang cell ko. At higit na swerte ko dahil hindi ko binura ang number na nag-inform sa akin ng pageexam ko nitong umaga.

Marahil, dahil na rin sa aking pangungumbinsi at pagmamakaawa-effect, hindi nila ako dinisqualify sa pagkuha ng assessment test. Palibhasa eh ako itong excited bumawi sa kamalasan ko noong umagang yun, nagpasya na rin akong makipagtuos sa tadhana.

Dala ang isang-daang pisong hiniram ko kay mama, nagtungo ako sa Ortigas para makipagkita sa taong naghahanap sa akin.

Ngunit pagdating ko dun, ako ay hinarang ng mga guards sapagkat wala akong ID na maipakita sa kanila. Badtrip pa dun, ayaw nila tanggapin yung rason ko na nasnatch nga ako nung umagang yun kaya wala pati ID ko.

---

At ang pagpapaliwanagan ay nauwi sa isang madugong debatehan.

Simple lang naman ang hiling ko eh. Palibhasa'y ayaw ko na munang kausapin ang contact ko sa taas, eh balak ko sanang magpatulong sa guard upang matawagan ang opisinang aking kelangan puntahan gamit ang telepono ng security office.

Eh sadyang maangas ang manong sekyu, so talagang napilitan pa ako makipagtalakan ma-point out ko lang sa kanila kung ano ang gusto ko mangyari.

---

Plano ko lang naman eh sabihin dun sa contact ko na nakarating ako ng Ortigas, ngunit ayaw akong paakyatin ng guard. Ok naman sa akin na mamaya na lang dapat ang exam ko, pero ang kausap ko na ang nagbigay ng authority sa guard para mapaakyat ako.

10 minuto pagkatapos ng eskandalong nangyari sa lobby, nandun ako sa opisina ng magbibigay ng training sa amin para kumuha ako ng panibagong assessment exam.

Gaya ng nakaugaliang mga exam sa call center, halos puro ingles ang laman ng bawat items sa test paper. Merong test kung saan papakinggan ng proctor kung paano mo bibigkasin ang bawat salitang ingles, at meron rin makikinig ka sa sinasabi sa isang audio message para masagutan ang isang test doon sa examination.

Palibhasa'y hasang-hasa ako sa ingles kaya't di naman ako ganung nahirapan sabihin kung ano ang saloobin ko.

---

Sa totoo lang, hindi ko talaga first option ang magtrabaho muli sa call center. Bukod sa magdamagan ka sa oras, eh talagang untested sa akin kung tatagal ba ako sa ganung trabaho o hindi.

Pero dahil sa committed pa rin ako sa naiwang negosyo ni Papa eh kailangan kong ilagay sa gabi ang lahat ng babalakin kong racket para kumita ng pera.

At siguro, heto lang ang inapplayan kong trabaho na simula pa lang, wala na akong kumpyansa sa sarili ko. Andun nang pinupuri ako ng nag-interview sa akin dahil sa paraan ko ng pakikipagusap (kahit na may mga mali ako sa grammar), pero hindi ko pa rin matanggap na nagawa ko lahat yun, at napansin nila ako...

---

Ayoko sana isiping heto ang tinakda para sa akin... ngunit sa sobrang bilis ng lahat, hindi ako makapaniwala na dito nagtatapos ang aking pag-aaply sa kumpanyang minsan ko rin inasam maabot noong ako'y unang naglayag sa pagjo-job hunting.

Nagsimula lang ito sa isang pasikretong lakad para ipasa sa kung kani-kanino ang papel na magbibigay sa akin ng dahilan sa mundo... At sa isang linggo, magsisimula na muling magkaroon ng hulma ang buhay ko.

Matapos ang tatlong buwan na walang katiyakan sa trabaho at career na ginagalawan ko, ngayon, kahit pansamantala lang... maari ko nang lagyan ng routine ang araw araw na ikot ng mundo ko.

Nakapasa ako sa English Assessment Exam. Ang unang araw ng training namin ay sa isang lunes na.

No comments: