"Hindi yan milk beybi ha...
meron ka pang 18 years bago ka tumungga ng ganyan.."
---
Kung straight lang siguro ako, meron na akong baby ngayon.
Sa hindi ko mapaliwanag na dahilan, parang madalas akong mangarap na magkaroon ng isang anak na lalaki nitong mga nakaraang araw. Para bang tuwang tuwa ako sa thought na meron akong aalagaang anak, na bubuhayin, na babantayan, na papalakihin.
Nung isang gabi, nasabi ko kay mama na parang ganito rin yung sentiments ni Kuya Bass noong kasing edad ko siya. Tandang tanda ko yun, habang papunta kaming Wendy's dito sa may amin. Lumabas sa kwentuhan namin na gusto na niyang magka-baby.
23 siya noong sinabi niya yun.
---
Para bang sa akin, pangarap kong magkaroon ng anak upang merong magpatuloy ng buhay ko. Minsan kasi, nangangarap rin ako ng immortality... at siguro para sa ating mga tao, ang immortality ay makakamit lang sa pamamagitan ng paggawa mo ng sarili mong dugo't laman.
Sa tuwing iisipin ko yun, parang kinikilabutan ako sa thought na, "Shit! Genes ko to. Xerox copy ko to. Kapag naging 23 years old ito, baka kamukha ko siya at mas chickboy pa ito sa akin. Baka cute to at maging PLU rin pagdating ng araw..." Yung ganun ba.
Lalo na kapag pinagmamasdan ko yung picture nung guy na nakita ko sa downelink na kamukha ni James at Jonas... Hindi ko lubos maiwasan mag-imagine kung ano kaya ang itsura ng magiging anak ko; magiging chinito rin ba siya? makukuha ba niya yung tangkad ko? mas maputi kaya siya sakin? (lalo na kung madadagdag ang genes ni phanks) hmagkakaroon kaya siya ng matangos na ilong (na isang pinaka-inaasam asam ko minsan)?
Ang sarap sana mangarap... lalo na kapag sinasabi ni mama na kapag may anak ka na, feeling mo, may sense na lahat ang ginagawa mo sa buhay. Sa totoo, hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga taong parang walang value sa kanilang ang pagkakaroon ng anak. Hindi ko lubusang matanggap na hindi nila ma-appreciate ang mga anak nila samantalang parti nila yun, at ang dami daming nangangarap magkaroon ng sariling baby gaya ko.
Bakit ganun, parang sa kanila, mailuwal lang sa sinapupunan nung ina yung bata, parang wala na... matapos ang ilang taon, makikita mong namamalimos sa kalye kasama nung mga kapatid nila.
---
Ako siguro, kung may anak ako... mas magiging proud pa akong tatay kesa kay Jhun. Ipapasyal ko siya sa lahat ng pwede pasyalan. Ituturo ko sa kanya yung mga tinuro sakin ni mama. At syempre, mang-aaway ako ng teacher kapag pinagtripan nila ang anak ko. Para sa akin, kahit isang anak lang, solb na ako. Basta sana lalaki, para pwede kong maging junior.
Kaya everytime na iniisip ko ang magka-baby at ang current sexual preference ko, siguro kaya kong isuko ang libog saka interest ko sa kapwa lalaki kung ang kapalit naman nito ay isang buhay na hihigit pa kesa sa akin. Kahit wala akong asawa, basta alam kong dugo ko yung batang pinagbubuntis nung nabuntis ko, ok na sa akin.
---
Minsan, sa sobrang tindi ng longing ko magka-baby... naiisip kong mag-ampon ulit ng pusa,
o kaya naman i-baby ng i-baby si phanks... na irereklamo niya kapag magkasama kami.
Hindi ko alam kung ito ay dahil sa pagpapalaki sakin ni mama, o sa realization na kelangan kong mag-procreate balang araw, sapagkat walang kasiguraduhan ang pagiging ganito...
baka siguro, gusto kong ibigay sa magiging anak ko anuman ang naging pagkukulang sakin ni papa nung siya ay buhay pa.
o baka siguro kaya ako nagkakaganito ngayon, namimiss ko rin... kung paano magkaroon ng isang tatay,
namimiss ko rin si siguro si papa, kahit na apathetic ang impression na pinapakita ko sa mga ibang taong naiwan niya.
---
The very proud mother of Teemo...
Este... si Paulie pala ito.
No comments:
Post a Comment