Ugali kong matulog sa opisina tuwing first break. Tutal puyat rin lang ako eh mabuti nang ihiga ko itong antok at palipasin ang 30 minutes sa paraan ng pag-idlip kesa gumastos ng 30 pesos para sa agahan.
Pagtayo ng mga tao, kukuha ako ng isang upuan na idudugtong sa silya ko at upuang katabi ng silya ko. Sabay ihihilata ko ang katawan ko at pipiliting magpower-nap kahit sandali lang.
Nasanay na ako sa ganitong sistema, at eto na rin ang pinambabawi ng tulog ko sa araw araw na puyat. Pero mukhang hindi ko na mauulit yun. Di ko na siguro kakayanin maiwan mag-isa dito sa room namin.
---
Mababaw lang ang idlip ko ngayong umaga, palibhasa wala pa siguro akong 5 minutes mula nung nahiga ako sa mga upuan. Unti-unti, lumalalim ang paghinga ko habang dahan dahan kong naririnig ang isang paulit ulit na pagbagsak at paghila ng isa sa mga upuan namin dito... mga ilang dipa mula sa workstation ko. Ang paraan ng paghila ay tipo bang pinaglalaruan ng kung sinong nilalang yung nag-iisang upuan na yun, hihigitin upang gumawa ng ingay at magbigay takot sa sinumang nakakarinig noon.
Sa idlip, di ko ininda ang paghila ng upuan sa paniwalang parte lang yun ng panaginip ko. Pero ng biglang lumakas ang ingay na animo'y nangagaling sa pagkarami-raming tao sa paligid bigla na akong kinabahan.
Bigla bigla, parang nagkaroon ng pagsasalo sa loob ng room. Tandang tanda ang halakhakan ng mga babae at ang paguusap ng mahigit sa limampung tao sabay sabay. Yun rin yung na-encounter ko noong trainee pa ako at naidlip rin ako sa isa sa mga opisina dito sa 4th floor ng building namin. Pinilit kong itatak sa isip ko namga officemates ko na nagsibalikan yun mula sa kanilang break. Baka kako naoveremphasize lang sa pagtulog ko yung mga usapan nila.
Akala ko tapos na ang 30 minutes na break namin, kaya dapat babangon na ako... pero sa hindi ko mapaliwanag na paraan, di ako magising. Consciously alam kong pinipilit kong gumising habang patuloy ang tawanan at usapan ng mga (imaginary) na tao sa paligid ko. Sa pagpupursiging magising, binalak kong igalaw ang matigas kong katawan patungo sa gilid ng mga upuan. Kahit mahulog ako ok lang basta makawala lang ako sa ganitong estado.
Sa buong buhay ko, tatlong beses lang ako nawalan ng control sa sarili ko. Noong una't pangalawa, tinawag ko ang Diyos upang tulungan niya akong magising, at kalabanin ang kung sinumang nagkokontrol sa akin, pero dahil marahil dahil sa panic ko kanina, di ko na Siya nahingan ng tulong.
Notorious na ang ghosts stories dito sa office namin. Actually, sana'y na ako sa mga ganitong mga pangyayari... natanggap ko na rin na may third eye ako dahil sa halos araw araw na pagpasok ko dito ay may nakikita akong mga bagay na hindi nakikita ng lahat ng tao. Maari kong ituring na offensive move to ng kung sinumang manakot o manggulo sa akin... buti na lang, pagkaraan ng ilang minutong pagpipilit mamulat ang isipan ko.
Nagising rin ako...
The Techno Revolution, Unnoticed
6 years ago
No comments:
Post a Comment