Saturday, April 30, 2005

Take A Final Bow

Nakakapanlambot man isipin, pero tinaggap ko na ang katotohanan na baka bukas makalawa, wala na ang aming negosyong jaryo.

Ilang buwan na rin simula nung iniwan ni papa ang negosyo sa amin. Hindi ko akalain na ang iniwanan kong business walong buwan na halos ang nakakaraan ay higit pang lumubog sa putikan na kinasasadlakan namin ngayon.

Noong isang linggo lang, halos kalahati ng ipon ko ang nawala sa akin matustusan lang ang operations ng kumpanya para sa isang araw. Sabi ko, hindi ko na kaya tumanggap ng ganun kalaking damage,

financially at mentally.

Ilang araw ko rin akong naging depressed at nawalan ng gana pumasok dahil doon. Hanggang ngayon, dala dala ko pa rin ang trauma ng pagsusuko mo ng perang pinaghirapan mong itago, para sa isang bagay na hindi mo alam kung balang araw ba ay mapapakinabangan mo o hindi.

Sadya lang talaga nakakapagod minsan.

---

Nagpasama ako kay Paldeng sa megamall upang tingnan yung job fair na ginanap doon nitong tatlong araw.

Bibit ang limang resume, sinuyod ko ang mga call center booths dun upang pag aralan kung kaya ko ba ang trabaho nila, at kung ako ba ay karapat dapat na maging kandidato bilang isa sa mga empleyado nila.

Sa muli, nagpasa ako ng resume sa People Support, Sykes, Daksh at Convergys. Nagpasa rin ako ng resume sa K-Search (kung anuman yun), Accenture and Alorica. Umaasa ako na sana maging effective ang resume na pinadala ko ngayon. Hindi ko na kasi alam kung masesecure pa ba kami ng mga naiwang kumpanya ni papa, o kelangan ko muling tumayo para sa aming tatlo.

Mabuti na ang may safety net.

---

Sa totoo, sikreto muli ang lakad kong ito.

Una sa lahat, hindi approve kay mama na i-divert ang atensyon ko sa iba habang nandito ako't nakatayo sa pedestal ni papa.

Ikalawa, hindi ko alam kung paano ieexplain sa mga tao kung bakit namasukan ako sa iba habang ako ang tinuturing na pinuno nila.

Para sa akin, higit na mabigat itong desisyong ito. Kanina pa lang, unti unti ko nang nararamdaman ang pressure at panlulumo habang nakikipagunahan ako sa mga kasing edad ko na naghahanap rin ng trabaho.

Ayaw ko sanang dumating sa punto na magiging desperado muli ako gaya nung isang taon, alam kong mahirap ito pero hindi ko kaya ang sitwasyon namin sa opisina.

Security ko ang pera, at para makuha ko ang objective na yun, ang paghahanap ng extrang trabaho ang nakikita ko lang na dahilan.

---

Simula noong tinanggap ko ang realization na anumang pera meron ako ay pera ng kumpanya, pati personal na gastos ko, unti unting tinapyas ko sa aking sistema. Hindi ko na matandaan kung kelan ako bumili ng bagong pantalon, at brief... gustuhin ko man, ayaw kong isugal ang perang hawak ko.

Noong isang araw, naging nostalgic ako habang kumakain ng McChicken galing sa Mcdo na dala ni mama. Sabi ko sa kanya, mahigit isang taon na rin ata mula ng huling kumain ako ng ganito. Sa sobrang pagtitipid, ni life's simple pleasures hindi ko na maenjoy.

---

Pero shempre, nilalabanan ko yun. Hindi man ako makabili ng maraming bagay, basta pang gimmick at pang BED, nakabukod na sa budget ko. Pati rin ang internet card at ang pang-load ko kay Phanks, kasama na sa mga gastusin ko.

Sa totoo, enjoy na ako ng ganito. Mukhang pobre pero handa sa anumang emergency. Nakakainis man at nakakadepress minsan, pero sadyang heto ata ang buhay na binigay sa akin.

---

Ngayong hapon, tinawag ako para sa initial interview ko sa Convergys.

Habang pinagmamasdan ako ni Paldeng, hindi ko lubos maitago ang hiya ko sa pagitan ng mga ngiting ipinapakita ko sa kanya.

Sa loob loob ko, nagtatanong ang puso ko kung ano ba itong pinasok ko.

Sa pilit na accented na ingles na ginamit ko sa mga tanong, sa pagpapacute na ginawa ko sa interviewer, tinatanong ng sarili ko kung bakit ako nagpapakababa ng ganito.

Mula sa pagiging boss hanggang sa pagiging trabahador muli, ganito ba ang pagtanggap ng gusto kong mangyari sa aking buhay? Kung sana ang nangyari ay lumipat ako mula sa isang kumpanya patungo sa isa, madali sana... ngunit eto? Kaya ko ba to?

Matapos ang interview, sinabi ng interviewer namin na kami'y magintay upang tanggapin ang resulta ng aming interview. Alam ko, mali mali ang mga sagot ko. Handa na sana ako upang harapin ang kauna-unahang pagkatalo ko sa job-hunting season na ito.

---

Sa kabila ng matinding tibok ng dibdib ko, at pagprepretend na dry run lang ito. Andun ang takot na baka ma-turn down lang ako. Sa pagitan ng mataimtim na paghiling na sana pasok ako, at pagmumuni muni sa mga ginagawa ko, isa lang ang naging sagot ng utak ko.

para sa kanila...

Bumalik muli ang aming interviewer, na nagbigay ng isang pirasong papel na nagsasaad ng aming verdict.



Dear Mr. Phanksmaster

We are happy to inform you that you have successfully passed the interview stage of the selection process of Convergys Corporation

You are scheduled for a computer-based assessment on ______________


Napayuko man ako sa hamon ng buhay, nawa'y maging heto ang battlecry ko sa mga marami pang labang haharapin ko sa mga susunod na mga linggo.

Heto ang aking laban.

No comments: