Saturday, December 4, 2004

Sorta Ghost Story

Nung una pa lang, sinabi na sa akin ang mga kababalaghan na nangyayari dun.



Isang beses ko na rin nasubukan balutan ang sarili ko ng Tower of Light, yung imaginary na asul na liwanag, na sabi nila eh proteksyon mo sa mga bagay na hindi mo nakikita matapos umidlip sa conference room isang sabado, habang nagbrebreak ang mga kasama ko.



Hapon yun, walang pasok ang mga tao sa department maliban sa amin. Sa pagidlip ko, rinig ko ang ingay ng pagkarami-raming tao sa labas. Animo'y buhay ang buong opisina ngunit sa totoo, ako lang ang tao.



Ilang beses na rin akong namalikmata. Ang pinaka-unforgettable doon ay noong kapapasok ko pa lang ng opisina isang umaga ng biglang parang may nakita akong taong nakaupo sa silya ng group head namin. Split second lang ang apparition na yun pero hanggang ngayon, tandang tanda ko ang mga pangyayari.



Maraming beses ko nang isinawalang bahala ang lahat, ngunit di makakaila ng isip ko ang aking mga nakita; ang dumaang nilalang sa likod na nakita ko sa reflection ng screen ng PC ko, na sa panahong yun eh dalawa lang kami ng supervisor ko sa loob ng kwarto - siya ay nakaupo at nagsesend ng email dun sa malayo at walang kamalay-malay sa nakita ko. Di miminsang ring nakakita ako ng isang sillohuette na korteng tao na nakatayo dun sa may tapat ng computer table ng katabi ko.



Kanina, namalik mata na naman ako. Isang entity ang nakita kong lumulutang doon sa may bookcase namin. Tanda ko pang pahiga ang paglutang niya. Di ko yun makakalimutan dahil malaki ang pangangatawan ng nilalang ang nakita ko na animo'y isang bangkay na dinadala papasok sa morgue.



---



Ito lamang ay base sa personal na experience ko. Labas pa rito ang mga nakita at naramdaman ng iba.



---



Noong training namin, naikwento ng isa sa supervisor namin ang nangyari sa kanya doon mismo sa kwarto na katapat ng room namin. Birthday noon ng isa sa mga boss, at dahil natural sa kanilang mga babae ang magharutan, di sinasadya na may nagambala sila doon sa kwartong yun habang sigawan sila ng sigawan at harutan ng harutan habang kumakain.



Pagkababa sa opisina niya sa third floor ay makailang ulit niyang napansin ang pagalaw galaw ang blinds niya na para bang may naglalaro noon. Hindi niya pinansin ang mga pangyayari at sa halip ay nagpasama pa siya sa isa sa mga tao sa labas habang patuloy siya sa pagtratrabaho. Nang sumunod na araw ay nagkatuwaan silang magdala ng digital cam at magkuhaan ng litrato dun sa dating kwarto ng supervisor ko. Sa laking pagtataka nila, hindi niya makita ang mukha at katawan niya sa bawat picture na lumalabas - tanging nababalutan lang ng aninong itim ang lugar kung saan siya lagi nakapwesto.



Isinangguni nila yun sa isang albularyo para ipatawas. Ang lumabas na resulta ay totoong namang nakapagpatayo ng balahibo ng lahat ng taong nandoon ng mga oras na iyon.



Tatlong nilalang - isang babae na mahaba ang buhok, isang dwende, at isang lamang-lupa ang lumitaw sa tawas. Galing daw iyon dun sa taas mula nung nagambala nila ang lugar kung saan naglalagalag ang mga espiritu. Galing iyon sa floor namin na madalas ay hindi nilalagian ng mga tao. Marahil sa harutan nila ng mga kasama niya ay naistorbo ang mga nilalang doon sa isa sa mga sulok ng malaking opisinang iyon.



At bilang paghihiganti ay sinundan nila pababa ang boss namin para dun takutin sa opisina niya.



---



Yung babae rin na nakita sa tawas ang napabalitang nagpapakita sa isa sa mga cubicle ng girls CR sa third floor nung isang buwan. Saksi dito ang officemate ko, na nung minsang nag-cr siya eh may nakita siyang tao sa loob ng isa sa mga cubicles at napansin niya na ang buhok ng nasa loob ng cr ay nakaladlad na hanggang sa semento. Ilang oras nila inintay ang babae na lumabas para sana asarin ngunit hindi ito lumabas ng CR. Ilang linggo ring naulit ang pangyayari hanggang sa natapos na lang ang pagpaparamdam nung nilalang.



---



Kanina, habang nagpapaalam ako sa mga boss namin, biglang naantala ang kasiyahan namin ng biglang mag-amoy pabango ng matandang lalaki sa paligid namin. Tila amoy musk na ginagamit ng mga lalaki noong 1960's ang bumalot sa isang parteng iyon ng kuwarto. Noong una eh nagbibiruan pa kami na baka isa sa amin ang may gamit ng pabangong iyon, ngunit nung nagamuyan na kami lahat, wala ni isa sa amin ang nagpabango.



Kanina rin habang papauwi, nakwento sakin nung kasabayan kong officemate na sa lugar ng kinakatayuan namin habang naamoy namin yung pabango ay ang mismong lugar kung saan namalikmata siya nung minsang mag-overnight sila



Habang kumakain sa table, nakita niya ang isang nilalang na sumisilip galing sa ilalim ng computer table. Sabi niya, nanlilisik daw ang mga mata at para bang may hinahanap sa paligid.



Eto ang unang pagkakataon na nagkwento siya tungkol sa mga bagay na nagpapatayo ng mga balahibo namin. Hindi siya maaring magsinungaling dahil ang kwento niya ay tumutugma sa mga nararamdaman at namamalikmata ko.



Umalis ako ng building na nakatayo pa ang mga balahibo. Alam kong hindi pa natatapos dito ang katatakutan doon. Marahil, kelangan ko nang magdala ng puting kandila sa Lunes.

No comments: