Monday, September 12, 2005

Minsan May Isang Halamanan (Second Part)

Nang makabalik kami sa school matapos ang bagyo, laking gulat naming lahat sapagkat nadatnan naming lubog sa tubig ang mga naiwang dish garden na nakadisplay sa labas ng workshop. Ang mga magagara at mukhang mamahaling project ng mga kaklase ko ay bigla na lang nalusaw na parang cotton candy na natunaw sa loob ng mainit na bibig ng isang bata.

Dagli kong pinuntahan ang dish garden ko sa takot na baka pati ito ay kasamang nasira ng bagyo. Tumagal rin ng mga ilang minuto ang aking paghahanap dahil sa kapayakan nito kumpara sa mga naipasa ng mga kaklase ko.

Nakahinga lang ako ng maluwag nang matagpuan itong nasa silungan malapit sa Work Ed room. Laking pasalamat ko na lang sapagkat sa kagahaman ng iba kong mga kaklaseng mapabilang ang kanilang project sa isa sa pinakasikat, ang mga hindi pumapalag na kagaya ko ay nilagay ang mga dish garden sa likod upang ito ay hindi makita o mapansin ninuman.

Noong araw ring iyon, habang abala ang lahat sa pagkukumpuni ng kanilang mga nalunod na dish garden, ako naman ay nabigyan ng mataas na grado biglang pagkilala sa aking maagang pagpapasa ng project.

At dahil walang mapapaglagyan ang teacher ng aming mga gawa, nagpasiya itong iuwi na lang namin sa bahay ang aming mga graded project.

---

Ang school bus na sinasakyan ko pauwi ay mabagal na binabagtas ang kahabaan ng E. Rodriguez Boulevard habang dahan-dahang lulubog ang araw sa aming harapan.

At sa tuwing pinagmamasdan ko ang aking dish garden, hindi ko makaila ang pagkamangha sa hitsura at porma nito. Noong mga panahon kasing iyon, kabilang ako sa isa sa pinaka-lousy magpasa ng project sa Work Ed. Tinuturing ko na isang malaking tagumpay na nagsubmit ako ng isang project na ako mismo ay namangha dito.

Sa kakatingin, isang magandang ideya ang pumasok sa aking kukote.

Bakit nga ba hindi ko i-pursue ang aking mga natutunan sa gardening at gawin itong hobby ko?

---

Three months na ang nakalipas simula nang maiuwi ko galing school ang aking dish garden.

At sa loob ng mga buwang iyon, tinadtad ko ng iba't ibang klaseng ornamental plants ang harap ng aming bahay. Marami dito ay nakatanim sa lata ng infant's milk na bigay ng mga bagong panganak na kapitbahay. Ang mga bago ko namang halaman ay galing sa hardin ng kaibigan ni mama na siyang gumawa ng dish garden ko. Higit siyang nakaramdam ng fulfillment nang malaman niya na naimpluwensiyahan akong mag-gardening dahil sa kanya.

Naging ugali ko noon ang mangbunot ng halaman ng iba upang itanim ito sa aking mga de-latang paso. Naubusan na rin kasi ng ipamimigay na ornamental plants ang kaibigan ni mama, kaya naman nagpasya akong mag-explore ng sarili ko. Ilang beses akong napaaway dahil dito. Ngunit dahil sa bata at kakaiba ang hobby ko sa lahat ng mga kabataang lalaki na nakapaligid sa akin, madalas ay napapagbigyan ako sa aking mga hiling.

Di naglaon, pati yung kababata kong si Benneth na nakatira sa tapat ng bahay namin ay naimpluwensyahan ko ring mag-gardening. Kumuha siya ng sarili lugar sa harap ng bahay nila upang lagyan ng mga paso. Ang nakakatuwa dito, kung sino pa ang lalaki, siya pa ang mas refined sa paghahalaman at mas-organized sa pag-aalaga nito.

Sinabayan rin ako ni Benneth sa pag-eexplore at pag-procure ng bagong mga species ng ornamental plants upang huwag mahuli sa unahan naming dalawa. Hindi nagtagal ay nasabayan rin niya ako sa dami ng halaman at ito ang naging simula ng friendly competion sa pagitan naming dalawa.

---

-tobecontinued-

No comments: