Tuesday, January 8, 2008

Petiks In The Office

Sa mga oras na ito, kadalasan ay tambak ako ng trabaho.

Ngunit dahil matumal ang pasok ng mga messages galing sa aming kliyente, narito ako't petiks sa aking dalawang account.

Nakakapanibago?

Medyo...

Kasi nasanay na akong laging nasa panic mode tuwing uupo ako sa aking station ng alas-dos.

Nasanay na rin ako sa mas demanding na bago kong work cycle.

---

As usual may topak pa rin ang aking computer. Nalugi talaga ako sa pagkamahal-mahal na purchase na nagawa ko sa sobrang atat maka-pag Sims 2 muli.

Nalaman ko kahapon na maari ko na sanang pinambili ng laptop yung perang ginastos (at gagastusin kong pambayad sa credit card) para sa lecheng unit ko. Ngunit ganun talaga, so long as I won't know what a bad deal is, I will never learn how to be "wais" when it comes to biz transactions.

Ayoko naman samantalahin ang warranty dahil sa bukod na nasira ko na ito, hindi ko makakayang mawalay sa aking computer sa loob ng dalawang linggo.

So kailangan kong magtiis pansamantala habang hindi ko pa napapa-check kay Kaibigan Oso ang motherboard ng computer. Tutal, napapakinabangan ko pa naman ito.

As long as hindi ko gagamitin ang DVD Drive o kaya naman ay ang extra hard disk nito, walang masyadong binibigay na sakit ng ulo ang computer. Sabi ni Kaibigang Oso, maaring ito ang dahilan ng palagiang pag-hahang at resource spike ng PC.

Sa muli naming pagtatagpo, doon ko pa lang malalaman ang real deal tungkol sa topak ng aking PC.

---

Hindi natuloy ang class namin kahapon. Na-suspend ito dahil sa centennial celebrations sa Diliman na ginanap noong tanghali.

Tamang-tama naman sapagkat bukod sa hindi ako handa sa aking report, wala pa akong matinong essay na masusubmit sa professor.

Sa ngayon, back to the drawing board ulit ako. Kung tutuusin, hindi biro ang mga topics na pinapa-report sa akin ng guro. Sabi ko nga sa utol ko, "I'm not a literary critic, I just write." Kontra naman niya, "you must learn how to be a critique in order to be a good writer."

Ewan ko ba, para sa akin kasi, dapat ay maging malaya ang isang manunulat upang madiskubre niya ang kanyang tunay na boses. Totoong dapat na may panuntunan sa pagsusulat. Ngunit kung ang mga panuntunang ito ay higit na makakasakal sa halip na magpalaya sa isang manunulat,

mabuti siguro'y magsulat na lang tayo para sa ating sarili. Sa ganitong paraan, at least wala tayong icoconsider na mga bagay na magiging sagabal pa para sa ating paglalahad ng saloobin.

---

Pista pala ngayon ng Nazareno. Kung nalaman ko lang ng maaga (at kung hindi sana nakitulog si Phanks sa amin kagabi) Balak ko sana gumawa ng essay at i-document ang buhay sa paligid ng Plaza Miranda sa loob ng isang magdamag. Ito ang essay na isusubmit ko sana sa aking isang klase.

Ang title ng piece ay "One Night Stand in Quiapo."

Ngunit dahil gahol na ako sa oras at tinatamad rin akong lumabas, maaring sa blog ko na lang lumabas ang entry balang araw.

Tamang-tama sapagkat pakiramdam ko minsan na walang social relevance ang mga entries ko dito.

Puro ako na lang ang bida, pati na rin ang maliit kong mundo.

---

I miss the good old days when my eyes were fixed outward - on things that I see around me. Lately, I feel that I've been constantly searching inward for something that is missing.

Strange thing is that I don't really know what I'm looking for.

Sunday, January 6, 2008

Ledge

Matagal-tagal ko na ring ginagawa ang umakyat sa ledge tuwing ako'y napapag-isang sumayaw.

Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa. Ang hinala ko, ang habit ay nagsimula noong aliw pa kami ni Roy na manood ng mga Cayote Dancers sa Sibil dati. Maari ring dahilan ay hindi ko pa napapatawad ang sarili ko nang ako'y magkalat sa harap ng aking mga tropa noong pinilit nila akong pasayawin ng Breathe ni Prodigy sa isang inuman sampung taon na ang nakakaraan. Aaminin ko, nagkalat talaga ako noon. Sa tuwing naalala ko kung paano ako nagpatalon-talon sa kanilang harapan habang kinakampay ang aking mga kamay, lalo lamang itong nagpapatindi ng aking determinasyon na igiling pa ang katawan sa tuwing magsasayaw ako sa bar ngayon.

Sa totoo, astig sumayaw sa tuntungan habang pinapanood ka ng maraming tao. Naalala ko tuloy noon, sumisigaw kami ng "Take it off!!" sa oras na umaakyat na yung mga tsiks para mag ledge dancing sa harap namin. Doon ko marahil nadiskubre ang pagiging-exhibitionist ko. Kung maganda nga lang talaga ang katawan ko, hindi ako magdadalawang isip na magtake-off ng shirt habang pinapanood ng mga tao.

Marami ang nagsasabing malibog at maangas ako kung sumayaw. Ilang beses na rin akong nanalo ng Best Dancer Award sa Outsiders sa taon-taon naming Christmas Party... kahit na simpleng Ocho-Ocho lang ay hindi ko kayang sayawin sa harap nila. Ilang beses na rin akong naka-iskor ng one night stand dahil sa galing kong makipag-dikitang sayaw sa dance floor. Kung titingnan ko ang aking sarili kung paano magsayaw, para akong naka-ecstasy habang gumigiling sa harap ng maraming tao. Hindi ko alam kung ano ang tingin ng iba.

Ang alam ko, higit na mas nagiging wild ang aking performance kapag merong nagche-cheer sa akin o kaya naman ay nakikipagkiskisan ng katawan habang ako ay nagsasayaw. Good vibes rin sa aking pandinig ang hard house at tribal dahil sa bilis ng beat at ritmo nito.

---

Sa kabila nito, naiisip ko minsan kung ako ba'y mukhang tanga na nasa itaas ng ledge habang ang karamihan naman ay walang pakielam at nakikipagsosyalan sa paligid ko. Don't get me wrong. Mag-isa akong lumalabas at nagclu-clubbing. Malakas ang loob kong pumasok sa joint, kahit na magmukha akong outcast sa piling ng mga ito. Ngunit ang hindi ko makakayang gawin, sa kabila ng lakas ng loob ko ay ang mapag-isa sa ledge. Tama nang kasama ako ng mga makakapal ang mukhang pinili ang entablado bilang kanilang sayawan.

Kagabi, muli akong bumalik ng BED upang sumayaw at magparty buong magdamag. Tutal mag-isa naman ako kaya hindi ko na inisip kung meron bang makakakita sa aking magpakawala ng sarili at umakyat muli ng ledge. Sa saliw ng mga house music na pinapatugtog ng DJ gaya ng First Time ni Maya at Let Me Think About It ni Feddie Le Grand, todo naman ang sayaw ko sa itaas ng entablado. Kulang na lang ay magka-cramps ang binti at torso ko sa pagiling, samantalang ilang beses rin akong muntikan ma-off balance sa tuwing ina-arch ko patalikod ang katawan ko.

Para sa akin, ang pagsasayaw ay isang paraan ng pagbibigay-laya sa aking sarili. Inaamin ko naman na marami pa rin akong repressions na dapat pakawalan paminsan-minsan. Sa mga pagkakataong gaya ng clubbing trips ko, naroon ang opportunity upang ilabas ang mga repressions na ito. Anumang pwersa o lakas ang lumalabas sa bawat pagsasayaw ko, ito'y nakakaluwag sa control na iniimpose ko sa aking sarili.

Pansamantalang nawawala ang pagiging serious at pormal approach ko pagdating sa mga bagay-bagay.

---

Naging matagumpay naman ang party kagabi. Pagkaraan ng mahaba-habang panahon, nagtagpo muli ang landas namin ng isa pang clubber na gaya kong wala ring pakielam kahit na magwala siya sa entablado. Matapos ang tatlong taong pagkikita namin sa BED, kagabi lang kami nagbigayan ng pangalan sa isa't-isa. Medyo may pagka-suplado kasi ang dating ng aura nitong taong ito at sa pakiramdam ko, maaring bigyang kahulugan niya ang pagpapakilala ko bilang diskarte ng panglalandi sa kanya.

Kaya nag-intay ako ng taon bago makipagkilala sa kanya.

Umuwi akong paika-ika dahil na rin sa pagod at sakit ng katawan matapos ang tatlong oras na walang pahingang pagsasayaw sa dancefloor. Sabi ko nga, daig ko pa ang nagwork-out sa gym sa dami ng tabang nalusaw ko sa pagiling lamang sa ledge kagabi. Sa dami rin ng nakakita sa akin - sa mga nang-okray, namangha at nang-dedma; wala lang lahat iyon. Hangga't sa akin ang sayaw at hawak ko ang maliit kong espasyo sa ledge.

Tuloy ang pagpapakawala ng sarili.

Ngunit matapos ang lahat ng pagyayaring iyon.

Bakit ganoon...

Higit yatang bumaba ang self-esteem ko matapos akong magpakita ng di-mapapantayang angas sa harap ng napakaraming tao?