Sabi nila, mawala na ang lahat wag lang ang bahay mo...
Siguro nga totoo yung sabi nilang yun. Kaninang umaga, marahil dahil na rin sa pagkabagot sa mundong iniikutan ko. Muntikan ko na itong isuko para sa bago.
Buong shift sinikap kong gumawa muli ng bagong mundo. Sabi ko sa sarili ko, trip kong gumawa ng bago kong magiging taguan na walang makakaalam kahit sino man para sa tuwing gusto kong may sabihan ng sama ng loob, o kwentuhan ng nangyari sa buhay ko.
Ako lang at ang blog ko ang makakaalam.
Plano ko sanang itago ito para at least, sa bago kong mundo, hindi ako magdadalawang isip sabihin kung ano ang gusto kong isulat tungkol sa mga bagay na nakaapekto sakin. At least doon, walang pupuna at wala akong magiging responsibilidad sa kung ano man ang nais kong ilagay doon.
Bago matapos ang shift, nakagawa rin ako ng bagong... pero...
Kapag binabasa ko ang mga kwento ko dito at habang inaalala ko ang mga pinagdaanan ko sa loob ng higit isang taon mula nang nagkaroon ako ng sarili kong blog.
Narealize ko yata kayang basta isuko na lang ito.
Ilang beses ko na rin inattempt noon - mula sa G-blog na tumagal lamang ng tatlong buwan, hanggang sa pansamantalang secret blog na ginawa ko noong sobrang stressed out ako sa mga nangyayari sa opisina ng tatay ko.
Sa huli, dito pa rin ako nauuwi.
Sa pagdaan ng panahon, heto rin pala ang bahay at taguan ko sa lahat ng unos, pagkabigo at tagumpay na pinagdaanan ko.
---
Kaya mula ngayon, hindi na ako muling tatalikod sa bahay ko.
Anuman ang mangyari, madiskubre man ng kung sino ang blog ko, hindi na ako mawawala. Lahat ng kwentong nangyari tungkol sa buhay ko - maski ito man ay malungkot, masaya, disturbing o walang kwenta, basta naging turning point sa akin, sisiguraduhin kong maisusulat dito.
Sapagkat minsan ka lang magkakaroon ng sarili mong bahay; ng sarili mong espasyo upang maging talaan ng sarili mong pagkatao.
Sabi nga ng buddy ko noong muntikan na kami mag-break noong isang linggo, bakit ko isusuko
ang isang relasyon na tumagal ng mahabang panahon nang basta basta na lang?
At yun ang pumasok sa utak ko kanina habang pauwi sa bahay.
Bakit ko ba kelangang isuko ito ng basta basta na lang?
---
Kaya...
Heto ako ngayon.
Muling nagbabalik upang magkwento...
Muling nagtatala sa kung ano na ba ang nangyari sa buhay ko.
Upang sa hinaharap, merong blog na magpapaalala sa akin na malayo na ang aking narating.